Lagi bang sumasakit ang ngipin mo kapag umiinom ng tubig? Madalas, ito ay pwedeng mangyari kapag ang malamig na inumin ang dahilan. Ngunit minsan, kahit na mainit na tubig ay pwedeng magpasakit ng iyong ngipin. Bakit ba ito nangyayari?
Karaniwang Sintomas Na Meron Ka
Kung ikaw ay may problema sa mga ngipin, ilan sa mga ito ay pwede mong maranasan:
- Masakit na ngipin na bagang kapag umiinom ng tubig
- Mainit na tubig o malamig man, may masakit na parte ng ngipin
- Nangingilo ang ngipin kapag umiinom o ngumunguya
- May sakit na nararamdaman kapag nagsesepilyo
Ano Ang Mga Dahilan Nito?
Ang sanhi ng iyong masakit na ngipin ay maaaring dahil sa sensitive teeth. Ito ay nangyayari kapag may maliliit na butas sa iyong ngipin o kaya naman ay crack na di mo nakikita. Dahil dito, nae-expose ang nerves sa iyong ngipin na siyang nagpapasakit kapag may malamig o mainit na pagkain kang kinakain o iniinom.
Maliban sa crack o butas na tinatawag ding cavities, maaaring may problema ka sa iyong gilagid. Kung may gum infections ka o kaya naman ay namamaga ang iyong gilagid, maaaring maexpose din ang nerves at magdulot ng sakit kapag ikaw ay kumakain.
Ano Ang Solusyon?
Ang paggamit ng mga toothpaste na para sa sensitive teeth ay makakatulong upang mabarahan ang butas sa iyong ngipin. Ngunit ito ay temporary lamang at dapat kang pumunta sa isang dentista para matapalan ang malalaking butas gamit ang pasta. Kung sa tingin mo ay may bulok na ngipin sa iyong bunganga, dapat itong tanggalin o ayusin ng iyong dentista.
Masakit Kapag Kumakagat
Isa pang posibleng sintomas ay ang masakit na pagkagat ng mga pagkain. Madalas ito ay nangyayari kapag matigas ang pagkain at kailangan na diinan ang pagkagat. Kung meron ka rin ng ganitong sintomas, marapat na makita ng iyong doktor o dentista ang problema sa ngipin.
Dahil Ba Ito Sa Pustiso?
May ilang tao na nahihirapan sa pagkagat ng pagkain dahil sa pustiso. Kung ito ay bago pa lamang, dapat na masanay muna ang iyong ibang ngipin. Kung ito naman ay nagiging sagabal sa iyong pagkain o pagsasalita, marapat na ibalik ito sa dentista upang ma-adjust ng tamang sukat at hindi ka na mahirapan sa pananakit o pangingilo.