Mga Sintomas ng HIV – Paano Maiiwasan ang HIV at AIDS

Ang pagkakaroon ng HIV ay isang karamdaman kung saan pinapahina nito ang resistensiya ng katawan. Ito ay isang uri ng virus na umaatake sa immune system ng katawan na nagiging dahilan ng pagkakasakit nito. Ang pagkakaroon ng HIV ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay dapat iwasan. Dapat mong malaman ang tamang impormasyon tungkol dito para ikaw ay makaiwas sa sakit.

Ano Ang HIV at AIDS

Ang HIV ay Human Immunodeficiency Virus. Ito ay virus na sumisira sa immune system ng isang tao. Kapag mahina ang immune system, pwede kang kapitan ng kahit anong sakit na maaaring makamatay o mahirap gamutin.


Magtanong Sa Doktor



Read: Paano Malalaman Kung May HIV

Ano naman ang AIDS? Ang AIDS ay Acquired Immune Deficiency Syndrome. Ito ang tawag sa sakit na sanhi ng HIV. Ang taong may HIV ay hindi nangangahulugan na mayroon siyang AIDS. Bumibilang ng maraming taon bago maging AIDS ang HIV status ng tao kung siya ay  hindi iinom ng gamot.

Paano Nakukuha ang HIV

Paano ba nagkakaroon ng HIV ang isang tao? Ang mga sumusunod ay ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng HIV:

  • Pakikipagtalik ng walang proteksyon (babae man o lalaki)
  • Pagturok ng hiringgilya (injection) na nagamit na ng ibang tao
  • Napapasa mula sa gatas ng ina
  • Aksidenteng pagsalin ng dugo ng taong may HIV

Ang HIV ay isang virus na sensitibo. Ito ay naipapasa lamang kapag nakapasok sa mismong daluyan ng dugo (ugat) at sa mga mucus membrane ng katawan. Hindi ito naipapasa sa paghawak, pagdikit ng balat, pakikipag-usap, hininga at iba pang pisikal na kontak sa taong meron nito.

Hindi nakakahawa ang HIV sa mga sumusunod:

  1. Pagdikit sa balat ng isang may HIV
  2. Paggamit ng kutsara at baso ng taong may HIV
  3. Paghalik

Ano Ang Dapat Iwasan

Paano maiiwasan ang HIV at AIDS? Maging tapat sa iyong partner. Ang pagkakaroon ng maraming sexual partner at pakikipagtalik sa kung sino sino ay nagpapataas ng tsansa na makakuha ka ng HIV. Ang simpleng pagsusuot ng condom ay mabisang paraan na para maiwasan ang HIV. Tandaan, hindi malalaman ng kahit sino ang HIV status ng isang tao hangga’t hindi ito nagpapa-blood test.

Kahit ang isang tao ay mukhang malinis, malusog at walang sakit ay hindi nangangahulugan na siya at HIV negative.

Karaniwang Sintomas ng HIV

May pagkakaiba ba ang sintomas ng HIV sa babae at sintomas ng HIV sa lalaki? Pinapayo ng mga eksperto na huwag dumipende sa mga sintomas sa katawan para malaman kung ikaw ay may HIV. Ang pinakamabisang paraan para malaman ang iyong status ay sa pamamagitan ng HIV blood test. Ito lamang ang pwedeng magkumpirma kung ang isang tao ay may HIV o wala.

Ano ang mga sintomas ng mga may HIV?

Ayon sa mga nakompirmang HIV positive na pasyente, ilan sa naranasan nilang sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng lagnat na mataas na tinuturing nilang pinakamalalang klase ng lagnat na naranasan nila.
  • Pagkakaroon ng katulad na sintomas ng trankaso
  • Pagkakaroon ng rashes sa katawan
  • Pakiramdam na palaging nanghihina
  • Madaling kapitan ng sakit
  • Pagkakaroon ng impeksyon sa bunganga
  • May mga kulani na namamaga
  • May mga bukol ng kulani sa ilalim ng tenga, leeg, singit, kilikili at iba pa
  • Pagpayat ng walang dahilan

*Tandaan, hindi dahil nakakaranas ka ng mga nabanggit na sintomas na naisulat ay nangangahulugan na mayroon kang HIV. WALANG ibang paraan para malaman kung ikaw ay may HIV kundi sa pamamagitan ng HIV blood test.

Nakakamatay ba ang HIV

Ang pagkakaroon ng HIV mismo ay hindi nangangahulugan ng kamatayan. Ngunit kapag ito ay pinabayaan at ang pasyente ay hindi nakainom ng gamot na pang-kontrol sa virus, maaari itong mauwi sa AIDS na pwedeng makamatay.

Nagagamot ba ang HIV at AIDS?

Sa ngayon, hindi nagagamot ang sakit na HIV. Kapag ang iyong dugo ay nagkaroon nito, ito ay habambuhay na sa iyong katawan. Ang magandang balita ay hindi ito dapat katakutan. May mga gamot (kadalasan ito ay libre pa mula sa gobyerno) na pwedeng makapigil sa pagdami ng virus sa katawan para hindi na ito matuloy sa AIDS.

Kung ang isang tao ay may HIV, habambuhay na siyang iinom ng gamot para mapanatili na mababa ang viral load niya sa dugo. Magsisilbing maintenance ang mga gamot para hindi na matuloy sa AIDS ang HIV.

May mga lumalabas na balita na malapit nang magkaroon ng gamot para sa HIV ngunit ito ay maaaring nasa research study stage pa lamang. Patuloy ang mga eksperto sa pagdiskubre ng gamot para sa virus na ito.

Reference from Mayoclinic

error: Copyright Protected!