Naranasan mo na ba magkaroon ng tonsillitis? Ang isang tao na mayroon nito ay makakaranas ng mga sintomas na pwedeng maging sanhi ng hirap sa paglunok. Ngunit importante na malaman mo ang mga karaniwang sintomas ng sakit na ito upang maging madali ang paggamot. Ang tonsils ay posibleng magkaroon ng impeksyon na siyang magdudulot ng tonsillitis.
Ano Ang Tonsillitis?
Ito ay isang kondisyon kung saan ang mga tonsils sa loob ng bunganga sa parte ng lalamunan ay namamaga. Ito ay dahil sa impeksyon na karaniwang bacteria ang sanhi.
Ano Ang Mga Sintomas Ng Tonsillitis?
Paano malalaman kung may tonsillitis ako? Ilan sa mga posibleng sintomas nito ay katulad sa ibang karamdaman. Tandaan na hindi dahil meron ka sa alinman sa mga sintomas na ito ay nangangahulugan na may tonsillitis ka na. Ang mga sumusunod ay karaniwang nararanasan ng taong meron nito:
- Lagnat
- Hirap lumunok
- Masakit at mahapdi ang lalamunan kapag lumulunok
- May mga puti puti sa gilid ng lalamunan na parang keso
- Masakit ang ulo
- Masakit ang tiyan
- Magasgas ang tunog ng boses
- Paos ang boses
- Makati ang lalamunan
- Namamaga ang tonsils
Paano Ginagamot Ang Tonsillitis (Tonsils)
Ano ang gamot sa tonsillitis? Antibiotic ang karaniwang gamot para rito. Ngunit uminom lamang ng antibiotic kung ito ay ibinigay at nireseta ng doktor. Huwag na huwag iinom ng kahit anong gamot kung wala itong reseta ng doktor. Ang pag-inom ng antibiotic ng maling paraan ay posibleng lalong magpapalakas sa bacteria at magpapalala ng kondisyon ng isang tao.
May ilang mouthwash o gargle na pwede ring gamitin kasama ng niresetang gamot ng doktor. Kung ikaw ay may lagnat, posibleng bigyan ka rin ng pampababa nito.
Ano Ang Mga Dapat Iwasan Na Pagkain
Itanong sa doktor kung ano ang mga pwedeng kainin at dapat iwasan. Madalas, ito ay dahil lamang sa pananakit kapag lumulunok. Makakabuti kung ikaw ay kakain lamang ng malalambot at masabaw na pagkain upang hindi mahirapan ang lalamunan sa paglunok.