Ang HIV ay isang virus. Ang tao na meron nito ay may panganib na magkaroon ng AIDS kapag hindi naagapan. Importante na mulat ang iyong kaalaman tungkol sa sakit na ito lalo na kung ikaw ay sexually active. Alamin kung paano masasabi na may HIV ang isang tao.
Ano Ang Senyales ng HIV Infection?
Maraming eksperto ang umaayon na hindi nakikita sa pisikal na anyo ng tao ang pagkakaroon ng HIV ayon sa TheBody. Hindi mo masasabi na ang isang tao ay meron nito dahil lang sa kanyang itsura, pangangatawan, ugali, kasarian o edad. Ngunit may ilang pagkakataon na ang mga sintomas na lumalabas sa isang tao ay may kinalaman sa HIV. Tandaan, ang kahit anong sintomas na maaaring may kinalaman sa HIV infection ay HINDI kumpirmado hangga’t hindi nakikita sa blood test na siya ay HIV positive. Tanging ang blood test lamang ang makakapagpatunay na ang isang pasyente ay HIV positive.
Ibig sabihin nito na hindi dahil may mga sintomas ka na may relasyon sa HIV ay meron ka na ngang sakit na ito. Tanging ang HIV blood test lang ang pwedeng magkumpirma ng iyong status.
Sa mga taong may HIV, ilan sa mga sumusunod ay pwedeng maranasan bilang sintomas:
Palaging nagkakasakit
Biglaang pagpayat
Parang palaging pagod at nanghihina
Tinutubuan ng mga butlig na pwedeng may impeksyon
Pagkakaroon ng namamagang mga kulani (lymph nodes)
Pagkakaroon ng mga fungal or bacterial infection ng madalas
*Ang mga nasabing sintomas ay hindi exclusive lamang sa HIV. Ang mga ito ay pwedeng dahil sa ibang sakit na walang kinalaman sa HIV infection.
Paano Nakukuha ang HIV
Dapat mong malaman na walang kinalaman ang kasarian ng isang tao sa pagkakaroon ng HIV. Ngunit may ilang gawain na pwedeng magpataas ng chance na ito ay makuha at maihawa. Ang HIV ay nakakahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sex, paghawa ng ina sa kanyang sanggol at pagshare ng mga karayom sa iligal na gawain.
Ang HIV ay hindi nakakahawa sa simpleng paghawak ng kamay, paghalik, paggamit ng mga bagay ng taong meron nito, pagdikit sa balat. Ito ay naisasalin lamang sa pamamagitan ng exposure sa dugo, semen o tamod, vaginal fluids at maging sa gatas ng ina depende sa kalusugan ng kanyang sanggol o dami ng HIV sa gatas.
Saan Pwede Magpatest ng HIV?
Maraming ospital ang nagbibigay ng HIV blood testing. Depende sa ospital, ito ay karaniwang nsa 700 pataas. Ang resulta ng iyong test ay ibibigay depende rin sa kanilang polisiya tulad ng 24 hours, 1 week at iba pa. May mga free HIV testing centers din na pwede mo puntahan at makukuha mo ang iyong resulta kaagad.
Ano Ang Pagkakaiba ng HIV sa AIDS?
Ang HIV ay isang virus na nananatili sa katawan ng tao kapag siya ay nahawa na. Ang virus na ito ay unti unting sumisira sa immune system ng tao. Kapag dumating na ang panahon na tuluyan nang nasira ng virus ang immune system, lalabas na ang iba’t ibang sakit na hindi na kayang labanan ng katawan, ang kondisyon na ito ay tinatawag nang AIDS.
Nagagamot Ba Ang HIV?
Wala pang gamot sa HIV ngunit ang magandang balita ay pwede mo ito i-treat para hindi na maging AIDS. May mga gamot na iniinom araw araw para hindi masira ng virus ang immune system. Ito ay libre at binibigay ng gobyerno. Kapag ito ay ininom ng tama ayon sa payo ng doktor, maliit na ang chance na maging AIDS ang HIV. Karamihan sa mga umiinom nito ay nabubuhay ng normal at matagal gaya rin ng mga taong walang HIV. Dapat lang sundin ng tama ang programa ng doktor. Dahil dito, importante na ang tao ay alam ang kanyang HIV status sa pamamagitan ng blood testing.
Hanggang ngayon, tuloy tuloy ang pag-aaral para makagawa ng bakuna laban sa HIV.