Masakit marahil ang ulo mo sa umaga. Kung ito ay madalas mangyari sayo, pwede itong solusyonan sa simpleng mga hakbang. Ang masakit na ulo pagkagising ay dapat na bigyan ng solusyon upang hindi lumala. Maaari itong makasagabal sa iyong gawain sa maghapon kung hindi malalaman ang sanhi nito.
Bakit Sumasakit Ang Ulo Sa Umaga?
Kapag ikaw ay nagising, pwedeng sumakit ang iyong ulo. Nagsisimula ito sa batok hanggang sa likod at maging sa kabuuan ng iyong ulo. May ilang dahilan kung bakit ito nangyayari. Ilan sa mga ito ay:
- Maling posisyon ng pagtulog
- Kulang sa tulog dahil sa insomnia
- Pagpupuyat
- Naipit na ugat o nerves sa leeg
- Kulang sa oxygen
- Hindi maganda ang sirkulasyon ng dugo
- Sa pambihirang pagkakataon, pwedeng ito ay dahil sa tumor sa utak
May Gamot Ba Para Rito?
Ang simpleng pag-adjust ng iyong unan ay malaki na ang maitutulong para hindi sumakit ang ulo. Pagkagising, ito ay masakit dahil sa magdamag na ngalay ng iyong batok. Kapag masyadong nakalubog ang iyong unan, nagkakaroon ng strain sa iyong batok hanggang sa likod ng ulo.
Kung ikaw naman ay laging puyat, siguruhin na may sapat kang tulog sa mga darating na araw. Ito ay importante para maging malusog ang katawan at maging balanse ang hormones. Kapag ikaw ay stressed, makakaapekto ito sa iyong tulog.
Dapat Ba Ako Uminom Ng Gamot?
Ang sakit sa ulo ay pwedeng pawiin ng mga gamot na nabibili sa botika. Ngunit dapat mo itong itanong sa iyong doktor o pharmacist kung alin ang mabisa para sa iyong sitwasyon. May mga gamot na gawa sa Paracetamol, Ibuprofen at Mefenamic Acid. Alamin kung ano ang mahusay para sa iyong kondisyon at itanong ito sa doktor.