Maraming nahihirapan sa paglunok lalo na kapag masakit ito sa tenga. Ang lalamunan ay konektado sa iyong tainga kaya ito ay posibleng apektado ng iyong paglunok. Kung ikaw ay may nararamdamang sakit, ito ay dapat na masuri at mabigyan ng lunas. Ano kaya ang dahilan nito?
Ano Ang Mga Sintomas?
Kung ang iyong paglunok ay nakakaapekto sa iyong tainga, maaaring meron ka ng alinman sa mga ito:
- Masakit ang tenga na parang tinutusok sa loob kapag lumulunok
- Hirap lumunok dahil mahapdi ang loob ng tenga
- Parehong masakit ang lalamunan at loob ng tainga
Ano Ang Mga Dahilan Nito?
Isa sa posibleng dahilan ay pagkakaroon ng tonsillitis. Maaaring magtaka ka dahil ito ay dapat na nasa lalamunan lamang. Ngunit may ilang kondisyon na kung saan ang impeksyon ay pwedeng umabot sa iyong tenga. Kung ikaw ay may namamagang lalamunan, maaari rin itong kumalat sa iyong tenga dahil iisa lang ang lagusan ng mga parteng ito. Sila ay konektado sa isa’t isa. Ang pananakit na iyong nararamdaman kapag lumulunok ay gumagawa ng dagdag na sakit sa loob ng iyong tainga.
Sa isang banda, maaari ka ring magkaroon ng impeksyon lamang sa iyong tenga ngunit ito ay lumalala kapag ikaw ay lumulunok. Ang tenga ay sensitibo at pwede itong sumakit kahit na sa simpleng paglunok ng tubig, pagkain at maging laway.
Ano Ang Lunas?
Kung may nararamdaman kang sakit sa tenga lamang, importante na ito ay makita ng isang ENT na doktor. Ito ang susuri kung meron kang impeksyon o problema sa kalusugan. Siya rin ay pwede mong konsultahin sa kahit anong may kinalaman sa iyong lalamunan at ilong.
Mahirap makahanap ng lunas na pwede mong gawin sa bahay dahil ito ay masakit sa loob mismo. Kung ito ay nangyayari na sa loob ng ilang araw, dapat kang pumunta sa isang doktor. Maaari ka niyang bigyan ng antibiotics para sa impeksyon o pamamaga. Huwag iinom ng kahit anong gamot kung hindi ito nireseta ng doktor. Maaaring magtiis muna sa pananakit hangga’t hindi nakakapunta sa doktor.
Bakit Madalas Ako Magkaroon Nito?
Ang paulit ulit na impeksyon sa katawan ay pwedeng dahil sa mahinang resistensya, stress, maduming environment or pagkakaroon ng mga sakit na nagpapahina ng immune system gaya ng HIV/AIDS o diabetes. Kumonsulta sa isang doktor upang masuri ang iyong kalusugan kung palagi kang nagkakaroon ng impeksyon.