Lumalaki ba ang nunal mo? Kung ito ay may pagbabagong nagaganap, dapat mo itong ipatingin sa isang doktor. Ang pagbabago sa itsura ng nunal gaya ng paglaki nito ay isang sintomas na maaaring may kinalaman sa skin cancer. Importante na ito ay matingnan ng isang doktor upang malaman ang dahilan.
Sintomas
Ang paglaki ng nunal sa kahit anong bahagi ng katawan ay isang sintomas na hindi dapat balewalain. Kung may iba ka pang sintomas na nakikita, importante na ito ay makita ng isang doktor. Ilan sa mga posible pang sintomas ay:
- Paglaki ng nunal sa mukha
- Nag-iiba ang kulay ng nunal
- May sugat o dugo sa nunal
- Nagbago ang itsura na nunal
- Nunal na may impeksyon
- Kumakalat na nunal
- Dumadaming nunal sa katawan
Bakit Ito Nangyayari?
Ang pagbabago sa itsura ng nunal sa kahit anong paraan ay pwedeng may kinalaman sa skin cancer. Kung ikaw ay madalas magbabad sa araw o naexpose sa mga kemikal, maaaring ito ay maging sanhi ng skin cancer. Ang cancer na ito ay pwedeng kumalat kapag pinabayaan at maaaring makamatay.
Ano Ang Dapat Gawin?
Ipatingin agad ang iyong nunal sa isang dermatologist. Siya ang magsasabi kung ikaw ay may skin cancer o wala. Ang pagtanggal sa apektadong nunal ay isa sa mga options na pwedeng gawin kung ito ay naging cancerous na.
Paano Malalaman Kung May Skin Cancer?
Ang skin cancer ay pwedeng makita agad dahil ito ay nasa balat. Kung may mga kakaibang butlig, nagbabagong itsura ng nunal, mga bukol a balat o pagbabago sa iyong balat dapat kang kumonsulta sa isang doktor. Ito ay pwedeng magamot gamit ang ilang treatment options sa skin cancer kung ito ay maagapan ng maaga.