Ikaw ba aymayroong herniated disc? Ito ay isang kondisyong sa spine na dapat pag-ingatan. Ang mga taong may ganitong kondisyon ay pwedeng makaranas ng iba’t ibang sintomas depende kung saang bahagi ng spine nangyari ang herniated disk. Paano nga ba ito gamutin?
Ano Ba Ang Herniated Disc?
Ang herniated disc ay pwede ring tawaging slipped disc o disc bulge. Ang kondisyon na ito ay nangyayari kapag ang parang goma na laman sa pagitan ng mga buto sa spine ay umusli, lumabas o namamaga.
Ano Ang Sintomas ng Herniated o Slipped Disc?
May iba’t ibang sintomas ang sakit na ito depende sa kung saang buto ito nangyari. Halimbawa, kung ang iyong slipped disc ay nangyari sa lumbar o yung tinatawag na balakang at baywang, ang ilang sintomas ay:
- Namamanhid na mga bahagi mula puwet hanggang paa
- Masakit ang binti, baywang, talampakan o hita kapag nakaupo o naglalakad
- Parang mainit ang balat sa mga binti o legs, puwet o baywang
- Parang may mga gumagapang na insekto sa balat ng binti at hita o paa
- Nakakaranas ng pamimitig o pangangawit (nangangalay)
Kung ang iyong herniated disc sa leeg naman ay naganap, pwede kang makaranas ng parehong mga sintomas pero nararanasan naman sa balikat, braso, kamay o daliri. Pwede rin makaranas ng pananakit o manhid sa pisngi, ulo at anit. Ito ay tinatawag na cervical herniated disc.
Ang thoracic herniated disc naman ay posibleng magkaroon ng sintomas ng pamamanhid sa gitnang bahagi ng katawan. Ito ay pwedeng mangyari sa bandang ribs, likod, tiyan o dibdib.
Ang pinaka karaniwang uri ng herniated disc or slipped disc ay sa lumbar.
Ano Ang Dahilan ng Disc Bulge?
Ito ay pwedeng mangyari kapag nagkamali ng posisyon sa pagbuhat ng mabigat. Pwede ring ito ay dahil sa paulit ulit na galwa sa spinal cord. Kung minsan, nangyayari rin ito kapag ikaw ay nahulog at biglang napaupo o kaya naman nabundol at natamaan ang iyong spinal vertebrae.
Ang katandaan at pagkakaroon ng mga sakit sa buto gaya ng arthritis ay pwede ring mauwi sa herniated disc habang tumatagal dahil humihina ang natural na porma ng spine.
Paano Gamutin ang Herniated Disc
Ang unang pwedeng ibigay ng doctor bilang treatment ay physical therapy, pain reliever at exercises. Sa mga kaso na malala gaya ng hindi na maigalaw ang binti at paa, hindi makatayo at may sobrang sakit, ito ay sumasailalim sa herniated disc surgery.
Gagaling din ba ang herniated disc? Gaano katagal bago gumaling at mawala ang sakit? Ito ay depende sa treatment. Kung ikaw ay nagpapalakas ng core muscles at likod, pwede nitong suportahan ang iyong spinal cord.
Marami ang taong gumagaling mula sa slipped disc ngunit ito ay bumibiliang ng ilang linggo o buwan. May iba na umaabot ng taon bago mawala ang sakit.
Mga Dapat Iwasan Kapag May Herniated Disc
Umiwas sa pagbubuhat ng mabigat. Kung kailangan, dapat na maayos na posisyon ang iyong katawan bago magbuhat. Kung sumasakit ang bahagi ng katawan, magpahinga muna.
Doctor Para sa Herniated Disc
Ang orthopedic surgeon o kaya rehab doctor ay pwedeng konsultahin tungkol sa herniated disc. Sila ang magbibigay ng physical therapy programs para rito. Ilang sessions ang PT ng herniated disc? Ito ay depende kung may nararamdaman ka pang sakit. Sa una, 6 sessions ang karaniwang binibigay pero pwede itong madagdagan.
Malulumpo Ba Kapag May Lumbar Herniated Disc?
Hindi na ba ako makakalakad o mapaparalisa? Ang mga taong may herniated disc ay karaniwang gumagaling. Kung ang nerve damage ay pinabayaan at hindi kumonsulta sa doctor, maaari itong mauwi sa pagiging paralyzed.
Mga Exercise Na Pwede sa may Slipped Disc
May ilang exercises para sa herniated disc o bulge disk. Ngunit importante na ito ay may rekomendasyon ng isang doctor dahil baka lumala ang iyong sakit kapag masyadong mabigat ang gagawin mong exercise.
Ilan sa mga recommended na ehersisyo ay:
- Light walking
- Stationary bike para sa puso
- Swimming
Itanong sa iyong doctor kung pwede ka na rin mag-exercise ng ibang uti maliban sa mga nabanggit.