Nagaalala ka ba dahil may dugo ka sa brief? Sa mga lalaki, may mga pagkakataon na pwede kang magkaroon ng bahid ng dugo sa underwear. May ilang sanhi na dapat mong malaman kung bakit ito nangyayari.
Bakit May Dugo Ang Brief Ko?
Ang posisyon ng dugo kung saan ito nagmantsa ay pwedeng maging gabay kung ano ang dahilan nito. Kung ang dugo ay nasa harapan, pwedeng dahil ito sa pagdurugo ng iyong ari o titi. Kapag ito ay nasa likod, maaaring sa butas ng iyong puwet ito galing.
Dugo sa Harapan
Ang pagdurugo sa iyong ari ay dapat na ipagbigay alam agad sa doktor lalo na kung may iba pang sintomas na kasama nito. Halimbawa ng mga sintomas ay pananakit ng titi o bayag, hirap sa pag-ihi, pagkakaroon ng nana o iba pang likido, pagsakit ng ari kapag naglalabas ng semilya o tamod. May pagkakataon rin na pwedeng may masakit sa iyong puson o kaya naman ikaw ay may lagnat. Ang mga sintomas na ito ay dapat ikonsulta sa doktor.
Ang dugo sa bandang puwet na bahagi ng brief o underwear ay pwedeng sanhi ng mga sakit. Ilan sa mga dapat mong malaman na posibleng dahilan ay almoranas, sugat sa puwet sa matinding pag-iri kapag dumudumi, mga sakit sa bituka o sikmura o kaya naman ay cancer. Ang mga ito ay dapat ring ikonsulta agad sa doktor.
Paano Ito Magagamot?
Ang pagdurugo sa ari o sa butas ng puwet ay kailangang masuri agad ng doktor. Ang gamot na ibibigay sayo ay pwedeng para sa impeksyon, sugat o iba pang dahilan. Huwag isawalang bahala ang ganitong sintomas dahil ito ay maaaring lumala.